Wednesday, October 26, 2011

Kulungan At Kadena

Ang kadena ni Juan ay nakakapit
Hindi sa leeg ngunit sa tenga namimilipit
Hindi sa paa kong aray na aray na sa sakit
Ngunit sa tengang nalalasahan na ang pait.

Maririnig mo ang 'hello' ng ale
Si ale na tila nasa palengke
Si manong nama'y minsa'y napakabingi
Ang kawawang monitor pa ang nasisi

Minsa'y nasasaktan na ang iyong pantog
Dahil ang kadena mo nama'y tumutugtog
Pilit pinipigilan ang ihing pasabog
Dahil si ale nanama'y nang-aalog

Pinapatay ka pa sa oras ng kadena
Kakakapit pa lang, uwian na ang tinitira
Di pa nga nakaka-order si kuya
Anjan na si Juan, nasa utak ay ang pag alis na

Mahirap ang buhay sa loob ng kulungan
Di ka masyadong nakakapag kwentuhan
Sabi ng iba, parang pinapatay ng dahan-dahan
Sabi ko hindi masyado, konti lang naman

Minsan naisip ko na kumawala sa kadena
Di ko na kaya ang aking ginagawa
Ngunit sayang naman ang pera
Na nakukuha ko at gamit pang gala

Para sa iba, ito ay kabuhayan
Binubuhay ang pamilya sa ganitong paraan
Kaya di mo masisisi kung sa kanilang kalagayan
Nakakaya nila upang malagyan ang tyan

Ngayon, pano mo masasabi na walang kwenta
Ang trabaho ni Juan at ng kanyang mga kasama
Kaya mo bang matulog buong umaga
At sa gabi'y bukang-buka ang mga mata?

Hindi naman talaga madali ang buhay
Huwag ka lang magiging matamlay
Sa pagpapatuloy ng iyong paglalakbay
Sa loob o kahit sa labas ng bahay

May kadena ka rin, gaya ni Juan
Meron ka rin ngang sariling kulungan
Kayanin mo iyan kaibigan
Kitakits tayo sa iisang finish-line





No comments:

Post a Comment